Tuesday, October 9, 2012

UGAT NG KAWALAN NG HANAPBUHAY

Sa sa mga ipinagmamalaki nating pangunahing katangian ng ating ekonomiya ang maraming Pilipino na bihasa sa Ingles at kaalaman sa iba’t ibang trabaho. Ito ang naging daan sa tagumpay ng industriya ng business process outsourcing (BPO), lalo na ang mga call center. Kung gayon, bakit hanggang ngayon ay malaki ang ating suliranin sa hanapbuhay? Mahigit 2.8 milyon ang walang trabaho sa ngayon.

Tinataya ng World Bank na 10 milyong Pilipino ang walang trabaho o hindi sapat ang hanapbuhay sa kasalukuyan. Batay sa isang milyong Pilipino na nadaragdag sa labor force taon-taon, kailangang makalikha ng 14.6 milyong trabaho hanggang 2016. Umaabot sa kalahating milyon ang nagtatapos sa kolehiyo at unibersidad bawa’t taon, ngunit maraming kumpanya ang nahihirapang makakuha ng kailangan nilang empleyado. Sa industriya ng BPO, halimbawa, isa lamang sa bawa’t sampung aplikante ang natatanggap.
Ang ugat ng suliranin ay ang hindi pagkakatugma ng mga kursong iniaalok ng mga paaralan sa pangangailangan ng mga industriya at negosyo. Sa madaling sabi, mali ang kurso. Kailangan natin ang masusing pag-aaral upang maituwid ang ganitong sitwasyon. Dapat matukoy sa nasabing pag-aaral kung anong uri ng mga hanapbuhay ang mangangailangan ng tao sa malapit na hinaharap, hindi lamang sa Pilipinas kundi maging sa ibang bansa, yayamang hindi naman natin mapipigilan ang ating mga kababayan na nagnanais mangibang-bayan.
Sa panig naman ng mga kolehiyo at unibersidad, dapat maging mabilis sa pagbabago ng kanilang mga kurso upang maiangkop sa pangangailangan ng mga industriya at negosyo. Maganda ang ginawang pagbabawal ng Commission on Higher Education (CHED) sa pagbubukas ng mga bagong programa sa ilang mga kurso gaya ng business administration, nursing, teacher education, hotel and restaurant management, and information technology education, na nagkabisa sa school year 2011-2012.
Naniniwala ako na ito’y magandang hakbang sa tamang direksiyon at makatutulong upang maibsan ang hindi pagkakaangkop ng edukasyon sa pangangailangan.
(Durugtungan)
                                    
                                          --by ROBERT--


No comments:

Post a Comment