Saturday, April 4, 2015

Kung Bakit Bawal ang Pagkain ng Dugo

Sinasabi ng mga kaibayo namin sa pananampalataya o yung mga hindi Iglesia ni Cristo, na ang pagbabawal daw ng pagkain ng Dugo ay isang aral lamang na inimbento ng aming mga ministro, at ito’y hindi naman daw aral ng Diyos.  Kaya amin po ngayong patutunayan na totoo ang aming ipinaninindigan na lahat ng aral sa Iglesia ni Cristo na aming sinusunod ay pawang nakasulat lahat at mababasa sa Biblia. Atin pong umpisahan ang pagtalakay…

1.     Sino ba ang nagbawal, at kailan ipinagbawal ang pagkain ng dugo?

SAGOT:  Ang nagbawal po ng pagkain ng Dugo ay ang Panginoong Diyos, at ito’y mula pa sa panahon ni Noe, matapos ang paggunaw sa mundo sa pamamagitan ng baha:

Genesis 9:1-4  “At binasbasan ng Dios si Noe at ang kaniyang mga anak, at sa kanila'y sinabi, Kayo'y magpalaanakin, at magpakarami at inyong kalatan ang lupa. At ang takot sa inyo at sindak sa inyo ay mapapasa bawa't hayop sa lupa, at sa bawa't ibon sa himpapawid; lahat ng umuusad sa lupa, at lahat ng isda sa dagat, ay ibinibigay sa inyong kamay. Bawa't gumagalaw na nabubuhay ay magiging pagkain ninyo; gaya ng mga sariwang pananim na lahat ay ibinibigay ko sa inyo. Nguni't ang lamang may buhay, na siya niyangdugo, ay huwag ninyong kakanin.’’

Binasbasan ng Diyos si Noe at ang kaniyang sambahayan, at sinabi sa kanila na lahat ng mga ibon sa himpapawid, mga hayop sa lupa, maging ang mga isda sa dagat, kasama pa ang mga sariwang pananim ay ibinigay ng Diyos sa tao upang maging pagkain niya, ang tangi lang na hindi maaaring kainin ng tao ay ang dugo. Hindi ibinigay ng Diyos sa tao ang dugo upang maging pagkain niya, niliwanag niya na ito ay BUHAY at hindi PAGKAIN. At totoo naman pong ang dugo ay buhay hindi po ba? Subukan po nating alisan ng dugo ang isang tao o hayop man, hindi po ba siya ay mamamatay?

Napakaliwanag po na lahat ng tao sa daigdig ang pinagbabawalan na kumain nito…


2.     Ano ang dahilan kung bakit ipinagbawal ng Diyos ang pagkain ng dugo?

SAGOT:  Ang dugo ay siyang buhay ng laman, at Ang dugo ay ibinigay ng Diyos upang tumubos sa ating mga kaluluwa sa Diyos, at ito ay pantubos ng buhay.

Levitico 17:10-11  “At sinomang tao sa sangbahayan ni Israel o sa mga taga ibang bayan na nakikipamayan sa kanila, na kumain ng anomang dugo, ay aking itititig ang aking mukha laban sa taong yaon na kumain ng dugo, at ihihiwalay ko sa kaniyang bayanSapagka't ang buhay ng laman ay nasa dugo; at aking ibinigay sa inyo sa ibabaw ng dambana upang itubos sa inyong mga kaluluwa: sapagka't ang dugo'y siyang tumutubos dahil sa buhay.”

Kaya nga isang napakalaking kasalanan sa Diyos na ang tao ay kumain ng dugo ang sabi niya:aking itititig ang aking mukha laban sa taong yaon na kumain ng dugo, at ihihiwalay ko sa kaniyang bayan”Maliwanag na magiging kaaway ng Diyos ang tao, at ihihiwalay siya o ititiwalag siya sa kaniyang bayan, sa bayan ng Diyos.  Kaya nga po natitiwalag sa Iglesia ang sinomang kumain ng dugo.

Niliwanag din ng Diyos na ang dugo ay “pantubos ng buhay”, hindi nga ba’t ang isang taong naubusan ng dugo dahil sa panganganak o aksidente, ay naililigtas sa pamamagitan ng pagsasalin ng dugo sa kaniya? At higit sa lahat ito’y pantubos sa kaluluwa, na ang ibig pong sabihin ay maaari po tayong matubos ng dugo sa ating mga pagkakasala sa Diyos, at iyon nga po ay  sa pamamagitan ng mahalagang dugo ni Cristo:

Hebreo 9:13-14  “Sapagka't kung ang dugo ng mga kambing at ng mga baka, at ang abo ng dumalagang baka na ibinubudbod sa mga nadungisan, ay makapagiging banal sa ikalilinis ng laman:   Gaano pa kaya ang dugo ni Cristo, na sa pamamagitan ng Espiritu na walang hanggan ay inihandog ang kaniyang sarili na walang dungis sa Dios, ay maglilinis ng inyong budhi sa mga gawang patay upang magsipaglingkod sa Dios na buhay?”

Kaya po marapat na ating igalang at pahalagahan ang dugo sa pamamagitan ng hindi pagkain nito. Sundin po natin ang pagbabawal na ito ng Diyos. Napakalinaw po at banal ang kaniyang dahilan kung bakit hindi niya ito ipinakakain sa atin.
  
3.     Bawal ba sa Biblia na kumain ng dinuguan?

SAGOT:   Opo, hindi man po tuwirang sinabi ng Biblia ang salitang “dinuguan”, subalit niliwanag ng Biblia na hindi dapat kainin ang dugo na may kasamang laman, na ito po ay mga sangkap ng pagkaing dinuguan:

Deuteronomio 12:22-23   “Kung paano ang pagkain sa maliit at malaking usa, ay gayon kakanin; ang marumi at ang malinis ay kapuwang makakakain niyaon. Lamang ay pagtibayin mong hindi mo kakanin ang dugo: sapagka't ang dugo ay siyang buhay; at huwag mong kakanin ang buhay na kasama ng laman.”

Namimilosopo po kasi ang iba at sinasabing hindi naman daw mababasa sa Biblia na Bawal kumain ng dinuguan, eh bakit naman po natin hahanapin sa Biblia na nasulat mula pa noong unang siglo [First Century] ang salitang “Dinuguan”? Sila kaya ang tanungin natin kung mayroon nang salitang “dinuguan” nung panahon ni Moises?  

Maliwanag na sinabi ng Diyos na:sapagka't ang dugo ay siyang buhay; at huwag mong kakanin ang buhay na kasama ng laman”.  Sa madaling salita, huwag tayong kumain ng laman at dugo na magkasama.  Hindi po ba sangkap ng dinuguan ay dugo at laman? Kaya maliwanag na bawal ang dinuguan, o alinmang pagkaing  sinangkapan o nilagyan ng dugo.


4.     Paano maiiwasan na makain ang dugo? Ano ang dapat gawin?

SAGOT:   Nagbigay ng pamamaraan ang Diyos na dapat na gawin: Kinakailangang patuluin sa lupa ang dugo at tabunan ng lupa:

Levitico 17:13  “At sinomang tao sa mga anak ni Israel, o sa mga taga ibang bayan na nakikipamayan sa kanila na manghuli ng hayop o ng ibon na makakain; ay ibubuhos niya ang dugo niyaon at tatabunan ng lupa.”

Dapat pong patuluin ang dugo ng hayop sa lupa, at tabunan ng lupa, hindi kagaya ng ginagawa ng iba na pinapatulo sa mangkok o kaya ay platito at tinatabunan ng bigas. 


5.     Paano kung tag-gutom at walang makain ang mga tao, baka naman papayag na ang Diyos na kainin ang dugo?

SAGOT:   Kahit na magkaroon pa ng matinding tag-gutom ay hindi pa rin ipahihintulot ng Diyos na ito ay kainin ng tao:

1 Samuel 14:32-33  “At ang bayan ay dumaluhong sa samsam, at kumuha ng mga tupa, at mga baka, at mga guyang baka, at mga pinatay sa lupa: at kinain ng bayan pati ng dugo. Nang magkagayo'y kanilang isinaysay kay Saul, na sinasabi, Narito, ang bayan ay nagkakasala laban sa Panginoon, sa kanilang pagkain ng dugo. At kaniyang sinabi, Kayo'y gumawang may paglililo: inyong igulong ang isang malaking bato sa akin sa araw na ito.”

Kinain noon ng bayang Israel pati ang dugo nung panahon na sila’y dumaluhong sa samsam  o nakaranas ng matinding tag-gutom. At ang sabi nga ni Haring Saul, ang hari noon ng Israel:Narito, ang bayan ay nagkakasala laban sa Panginoon, sa kanilang pagkain ng dugo.” Maliwanag na kahit pa kapusin sa pagkain ang isang bayan, ang mga lingkod ng Diyos ay hindi dapat at kailan man magtangka na ito ay kainin.  Eh paano nasolusyunan ni Haring Saul ang suliraning ito? Narito ang kaniyang ginawa:

 1 Samuel 14:34  “At sinabi ni Saul, Magsikalat kayo sa bayan at inyong sabihin sa kanila, Dalhin sa akin dito ng bawa't tao ang kaniyang baka, at ng bawa't tao ang kaniyang tupa, at patayin dito, at kanin; at huwag nang magkasala laban sa Panginoon sa pagkain ng dugo. At dinala ng buong bayan, bawa't tao ang kaniyang baka nang gabing yaon at pinatay roon.”

Ipinadala ni Haring Saul sa kaniyang harapan ang lahat ng hayop na papatayin upang kaniyang matiyak na hindi na magkakasala ang bayan laban sa Panginoong Diyos dahil sa kanilang pagkain ng dugo na mahigpit niyang ipinagbabawal.


6.      Hindi ba ang pagbabawal ng pagkain ng Dugo ay sa panahon lamang ng Lumang Tipan?  Baka naman pupuwede nang kainin ito sa panahong Cristiano o panahon ng Bagong Tipan?

SAGOT:   Hindi pa din po pupuwedeng kainin ng tao ang dugo sa panahon ng Bagong Tipan opanahong Cristiano na siyang sumasaklaw sa ating kasalukuyang panahon, ganito ang pahayag ng mga Apostol:

Mga Gawa 15:28-29  “Sapagka't minagaling ng Espiritu Santo, at namin, na huwag kayong atangan ng lalong mabigat na pasanin maliban sa mga bagay na ito na kinakailangan:  Na kayo'y magsiilag sa mga bagay na inihain sa mga diosdiosan, at sa dugo, at sa mga binigti, at sa pakikiapid; kung kayo'y mangilag sa mga bagay na ito, ay ikabubuti ninyo. Paalam na sa inyo.”

Maliwanag na ipinahayag ng mga Apostol na minagaling ng Espiritu Santo ang kautusang ito, samakatuwid ito ay kautusang mula sa Espiritu Santo, mahigpit na pinagbawalan noon ang mga Gentil na nais umanib sa Iglesia na huwag kumain ng mga pagkaing inihain sa mga Diosdiosan [Mga pagkaing inihahanda sa Fiesta – na inihahanda para sa kaarawan ng mga larawan at mga rebulto], ng dugo, at hayop na binigti [Yung mga hayop na namatay sa pagkalunod, o mga namatay na hindi lumabas ang dugo – gaya ng “botcha], at huwag makikiapid. Kaya maging sa panahon natin ngayon ay ipinagbabawal pa din ang pagkain ng dugo.


7.     Hindi naman diretsahang sinabi ng mga Apostol na huwag kumain ng dugo ang sabi lang ay “magsiilag” o umiwas sa dugo, hindi ba?

SAGOT:   Sa pagsasabi ng mga Apostol na tayo ay magsiilag, hindi ba malinaw na hindi nila iyon ipinapakain sa atin? Magagawa mo bang kainin ang pinaiilagan o pinalalayuan sa iyo? Ngunit para mabigyang natin ng linaw at mapatunayan na talagang maging ang mga Apostol ay nagbawal ng pagkain ng dugo, narito ang katibayan, sa isang Bibliang Ingles sa ganoon ding talata:

Acts 15:28-29  “The Holy Spirit and we have agreed not to put any other burden on you besides these necessary rules: Eat no food that has been offered to idols; eat no blood; eat no animal that has been strangled; and keep yourselves from sexual immorality. You will do well if you take care not to do these things. With our best wishes."  [Good News Bible]

Sa Filipino:

Mga Gawa 15:28-29 “Ang Espiritu Santo at kami ay nagkasundo na huwag na kayong atangan ng mabibigat na pasanin maliban sa mga tuntuning ito na talagang kailangan:  Huwag kayong kakain ng mga pagkaing inihandog sa mga diosdiosan; huwag kayong kakain ng dugo; huwag kayong kakain ng hayop na namatay sa pagkabigti; at umiwas kayo sa mga imoralidad na seksual. Mapapabuti kayo kung iiwasan ninyong gawin ang mga bagay na ito. Lubos ang aming pagbati.”

Kaya po napakalinaw na maging sa panahon natin ngayon ay mahigpit na ipinagbabawal ang pagkain ng dugo, kaya po tayo ay umiwas na sa napakasamang gawaing ito na hindi pinahihintulutan ng Diyos.


8.     Paano kung sadyain pa ng tao na kumain ng dugo pagkatapos na malaman niya na bawal ang kumain niyan, mapapatawad pa ba siya ng Diyos?

SAGOT:   Ang kasalanan pong sinasadya ay isang uri ng kasalanan na walang kapatawaran:

Hebreo 10:26-27  “Sapagka't kung ating sinasadya ang pagkakasala pagkatapos na ating matanggap ang pagkakilala sa katotohanan, ay wala nang haing natitira pa tungkol sa mga kasalanan,  Kundi isang kakilakilabot na paghihintay sa paghuhukom, at isang kabangisan ng apoy na lalamon sa mga kaaway.”

Hindi na po tayo mapapatawad ng Diyos kung tayo’y magpapatuloy pa sa pagkain ng dugo kung sa kabila ng katotohanang nalaman natin na ito ay kaniyang mahigpit na ipinagbabawal, ang ganitong pagkakasala ay tinatawag na: kasalanang sinasadya”, ang gumagawa ng pananadya ay ituturing na niyang kaaway, at ang tangi na lamang nating hinihintay ay ang kabangisan ng apoy na siyang parusang kaniyang ibibigay sa Araw ng Paghuhukom sa mga taong lumabag sa kaniyang mga utos. Kaya huwag na po tayong kakain ng dugo magmula ngayon na inyong nabasa ang katotohanang ito.

Dagdagan pa natin ang paliwanag, hindi ba sinabi ng mga Apostol na: “Sapagka't minagaling ng Espiritu Santo, at namin” na ang ibig sabihin ay: ang kautusang ito ay kautusan ng Espiritu Santogaano po ba kabigat kapag ating nilabag ang utos ng Espiritu Santo?

Mateo 12:31  “Kaya't sinasabi ko sa inyo, Ang bawa't kasalanan at kapusungan ay ipatatawad sa mga tao; datapuwa't ang kapusungang laban sa Espiritu ay hindi ipatatawad.”

Wala pong kapatawaran sa harap ng Diyos ang paglabag sa utos ng Espiritu Santo,  kaya po kahit na ano ang mangyari, mula ngayon ay huwag na huwag na po tayong kakain ng dugo matapos na ating malaman ang katotohanang bawal pala ito ng Diyos. Dahil kaya pong patawarin ng Diyos ang lahat ng ating kasalanan, maliban po sa pagkain ng dugo.

Nagagawa po nating sumunod sa tao, hindi po ba? Kapag po sinabi sa atin ng isang Doktor na huwag tayong kumain ng bawal sa atin dahil makakasama sa ating kalusugan ay agad nating sinusunod sa takot nating mapasama ang ating katawan.  Lalong dapat nating sundin ang pagbabawal na ito ng Diyos, dahil ang paglabag dito ay magdudulot sa atin ng lalong higit na kapahamakan, at ito’y ang kaparusahang walang hanggan sa apoy, pagdating ng Araw ng Paghuhukom

Pangalan ng Diyos na JEHOVA galing sa Katoliko?

Isang Simbahan ng Katoliko sa Switzerland kung saan Makikita
ang Pangalang JEHOVAH sa disenyo nito
Pangkaraniwan na nating naririnig na sinasabi ng mga kaibigan nating mga Saksi ni Jehova kapag sila ay kumakatok sa ating mga pintuan, na ang pangalan ng Diyos ay JEHOVA, na ang pangalang ito raw ang marapat na itawag natin sa Panginoong Diyos.  Ang kanilang pangangatwiran kung ang tao daw ay may personal na pangalan ang Diyos pa kaya na lumikha sa atin ang mawalan ng pansarili niyang pangalan?

Ating alamin at pag-aralan, totoo nga kayang ang JEHOVA ay pangalan ng Panginoong Diyos?  Madalas nilang gamitin ang talatang ito bilang kanilang pagpapatunay:

Awit 83:18  Upang kanilang maalaman na ikaw lamang, na ang pangalan ay JEHOVA, ay Kataastaasan sa buong lupa.” [Ang Biblia, 1905]

Subalit kung ating pupuntahan ang talatang iyan sa orihinal na Wikang Hebreo, ganito ang ating makikita sa talatang iyan:

וידעו  כי  אתה  שׁמך  יהוה  לבדך  עליון  על  כל  הארץ׃

That they may know that it is Thou alone whose name is YHWH, the Most High over all the earth.

Ang pangalan ng Diyos sa talatang iyan sa wikang Hebreo ay hindi JEHOVA, kundi ang TETRAGRAMMATON o APAT NA LETRA na: יהוה    YHWH [Ang bawat letra ay binibigkas ng Yod-Hey-Waw-Hey mula kanan papuntang kaliwa], ito ang pangalan ng Diyos sa kaniyang orihinal na anyo wala itong mga vowels o patinig kaya hindi ito nabibigkas.

Kaya maliwanag na hindi JEHOVA ang pangalan ng Diyos sa orihinal na mga manuskritong Hebreo na siyang pinagkunan ng mga salin ng Biblia sa iba’t-bang wika na ating ginagamit sa kasalukuyan.

Kaya ating tanungin ang ating mga kaibigang Saksi ni Jehova, Kung hindi galing sa mga orihinal ng mga manuskritong Hebreo ang salitang JEHOVA, saan ito nanggaling? Sasagutin tayo ng kanilang aklat na may pamagat na Aid to Bible Understanding:


“By combining the vowel signs of 'Adho.nay and 'Elo.him' with the four consonants of the Tetragrammaton the pronunciations Yeho.wah' and Yehowih' were formed… The first of these provided the basis for the Latinized form "Jehova(h)." [Aid to Bible Understanding, Watchtower Bible And Tract Society, 1971, pp. 884]

Sa Filipino:

“Sa pamamagitan ng pagsasama ng mga simbolong patinig ng 'Adho.nay at 'Elo.him'sa apat na katinig ng Tetragrammaton ang pagbigkas na Yehowah at Yehowih ay nabuo…Na siyang naging mga unang pinagbatayan ng isina-Latin na anyong Jehova.”


Samakatuwid ay dinagdagan ng vowels o patinig ang APAT NA KATINIG  ng TETRAGRAMMATON, para ito ay mabigkas, kinuha ang mga vowels ng salitang Adhonayo “PANGINOON”, at Elohim o “DIYOS” sa wikang Hebreo.

Ganito iyon:

adhonay  + YHWH  YaHoWaH orYeHoWaH

elohim  +  YHWH  = YeHoWiH

At sa mga anyong iyan kapuwa nanggaling ang salitang YAHWEH, at ang isina-Latin na JEHOVAH.

Ang wikang LATIN ay ang salitang ginagamit noon ng Imperyo ng Roma.

Sino ang nag-utos sa kanila na pakialaman ang Pangalan ng Diyos at gawing ganito?  Inutusan ba sila ng Panginoong Diyos?

Ano ang sinasabi ng mga SAKSI tungkol sa salitang YAHWEH?  Bakit mas pinili nilang gamitin ang pangalang JEHOVA.? Muli tayong sasagutin ng kanilang aklat:


"While inclining to view the pronunciation "Yah.weh" as the more correct waywe have retained the form "Jehovah" because of people's familiarity with it since the 14th century. [The Kingdom Interlinear Translation of the Greek Scriptures, 1969, page.23]

Sa Filipino:

"Bagamat aming kinikilingan ang pananaw sa pagbigkas ng "Yah.weh" na siyang mas tamang paraan, aming pinanatili ang anyong “Jehova” sa dahilang ito ang pamilyar sa mga tao noong ika-14 na siglo.”


Sinasabi ng kanilang aklat na bagamat kanilang nalalaman na ang mas tamang pagbigkas ay ang “YAHWEH”, ay mas pinili nilang gamitin ang JEHOVA dahil sa iyon daw ang kilala o pamilyar sa mga tao noong 14th Century

Maliwanag kung gayon na ang kanilang pinagbatayan ay kung ano ang nalalaman ng tao, dahil sa iyon ang kilalang pangalan ng Diyos noon ng pangkaraniwang tao ay iyon na ang kanilang ginamit.  Ibig sabihin kaisipan ng tao ang pinagbatayan ng Watchtower Society.

Pumapayag ba ang Biblia na tayo ay magbabatay sa kaisipan, karunungan, at kaalaman ng mga tao?

1 Corinto 2:4-5  “At ang aking pananalita at ang aking pangangaral ay hindi sa mga salitang panghikayat ng karunungan, kundi sa patotoo ng Espiritu at ng kapangyarihan: Upang ang inyong pananampalataya ay huwag masalig sa karunungan ng mga tao, kundi sa kapangyarihan ng Dios.”

Kaya isa pong napakamaling bagay ang ginawa ng Watchtower sa pagbabatay ng pangalan ng Diyos mula sa kung ano ang kaisipan o kaalaman ng mga tao nung panahong iyon.

Dahil hindi po natin kailan man mapagsasaligan ang karunungan ng tao.  Ano ba ang pagtuturing ng Biblia sa katangian ng karunungan ng tao:

1 Corinto 3:19  “Sapagka't ang karunungan ng sanglibutang ito ay kamangmangan sa Dios. Sapagka't nasusulat, Hinuhuli niya ang marurunong sa kanilang katusuhan:”

Kamangmangan para sa Diyos ang Karunungan ng Sanglibutang ito o ng mga tao.  Hindi nga ba’t noong mga unang Panahon ang malawak na paniniwala ng tao noon ang mundo ay flat na parang lamesa, at hindi bilog?  Komo ba’t ganun ang pangkaraniwang paniniwala noon at alam ng tao, ay tama na iyon?   Kasi alam na alam natin na napatunayan na ng siyensiya na talagang ang mundo ay bilog at hindi lapad e.  Pero sa Biblia bago pa nakapaglakbay ang tao sa buong daigdig ay matalagal nang nakasulat na ang mundo ay bilog [Isaiah 40:22, King James Version]

Kaya nga mali na kapag may kinalaman sa pagrerelihiyon at pananampalataya, ang ating kinukuhang basehan at saligan ay ang kaalaman o karunungan ng sinomang tao.

Ang pangalang JEHOVA, ay noon lamang 1931, ginamit bilang bahagi ng kanilang pangalang “MGA SAKSI NI JEHOVA”. At ito’y sa panahon na ng kanilang pangalawang naging Pangulo na si Joseph Franklin Rutherford

Si Charles Taze Russel ang kinikilalang Founder ng mga Saksi ni Jehovah
Noong umpisahan at itinatag ito ni Charles Taze Russel sa Allegheny, Pennsylvania sa America noong 1870, ang kanilang pangalan noon ay “BIBLE STUDENTS” lamang.

Kaya maliwanag na ang Pangalang JEHOVA ay hindi talaga orihinal na nanggaling sa MGA SAKSI, dahil bago pa lumitaw ang kanilang samahan sa mundo ay mayroon nang pangalang JEHOVA. Kaya maliwanag na sila ay may pinagkunan ng pangalang ito.


Ang General Headquarters ng Watchtower Society sa Brooklyn New York

Saan nga ba ito galing?  Sino nga ba ang tunay na may kagagawan ng paglitaw ng pangalang JEHOVA sa mundo?



Galing sa Katoliko ang pangalang “JEHOVA”

Alam niyo ba kung kanino talaga galing ang pangalang JEHOVA?  At sino ba talaga ang unang gumamit nito?  Sasagutin tayo ng mga SAKSI, sa pamamagitan ng kanilang aklat:


“The first recorded use of this form [Jehovah] dates from the thirteenth century C.E.RAYMUNDUS MARTINI, a Spanish monk of the Dominican Orderused it in his bookPugeo Fidei of the year 1270. Hebrew scholars generally favor "Yahweh" as the most likely pronunciation.” [Aid to Bible Understanding, Watchtower Bible And Tract Society, 1971, page. 885]

Sa Filipino:

“Ang kaunaunahang naitala na paggamit ng anyong ito [Jehova] ay mula noong ika-13 siglo, Panahong Cristano [C.E.]. Si RAYMUNDUS MARTINI, isang mongheng Kastila ng Dominican Order, ay ginamit ito sa kaniyang aklat na Puego Fidei noong taong 1270.  Karaniwan sa mga Hebreong Iskolar ay pumapabor sa “Yahweh” bilang pinakatamang pagbigkas.”

Bahagi ng Pahina ng aklat na isinulat ni Raymundus Martini ang Pugeo Fidei noong 1270 A.D.,
kung saan unang lumitaw ang Pangalang JEHOVA.
Maliwanag kung gayon na inaamin ng samahang ito, na ang pangalang JEHOVA, ay nagmula sa isang Mongheng Kastilang si RAYMUNDUS MARTINI, mula sa Dominican Ordero isang sangay ng mga PARI sa Iglesia Katolika.  Noon lamang 13th Century nagkaroon ng salitang JEHOVA, kaya ito ay pinakamatibay na katunayan na hindi kailan man tinawag ng mga Patriarka, mga  Propeta, ng Panginoong Jesus, ng mga Apostol, at maging ang mga Unang Cristiano ang Diyos sa pangalang ito.

At dahil sa Katoliko ang lumikha nito?  Hindi kataka-taka na makita natin sa kanilang mga aklat ang Pangalang JEHOVA, makikita ninyo sa kanilang ONLINE CATHOLIC ENCYCLOPEDIA, na tinatalakay na ang pangalang JEHOVA ay pangalan ng Diyos.
Narito ang LINK:  


Ang Simbahang Katoliko ay itinuturing nilang HUWAD NA RELIHIYON ang pinagkunan nila ng pangalang ito.  Ito ngayon ang tanong?  Maaari bang panggalingan ng MALINIS na BAGAY ang itinuturing na MARUMI? Sasagutin tayo ni JOB:

Job 14:4  “Sinong makakakuha ng malinis na bagay sa marumi? wala.”

Kaya maliwanag na wala tayong makukuhang tama sa alin mang bagay na ginawa lamang ng Iglesia Katolika.  Kaya hindi tayo dapat magbatay sa kanilang mga aral na sila lang ang gumawa.

Maliwanag kung gayon na MALI na tawaging JEHOVA ang Diyos, dahil sa ang pangalang ito ay INIMBENTO lamang at ginawa lamang ng tao.  

HINDI ITO TUNAY NA PANGALAN NG ATING PANGINOONG DIYOS, KAYA HINDI DAPAT NATIN ITONG GAMITIN BILANG PANGTAWAG SA KANIYA.


Ang Dapat itawag sa Diyos

Bagamat aming tinatanggap na noong Unang Panahon, sa panahon ng Lumang Tipan, ay tunay na tinatawag ang Diyos sa kaniyang ipinakilalang PANGALAN ang “YHWH”.  Sa panahon natin, kung saan tayo ay nasasaklaw ng Panahong Cristiano, ano ang dapat nating itawag sa Panginoong Diyos?

Sino ba ang dapat nating sundin sa Panahong Cristiano na siya ring panahon natin ngayon?

Mateo 17:5  “Samantalang nagsasalita pa siya, narito, ang isang maningning na alapaap ay lumilim sa kanila: at narito, ang isang tinig na mula sa alapaap, na nagsasabi, Ito ang sinisinta kong Anak, na siya kong kinalulugdan; SIYA ANG INYONG PAKINGGAN.”

Samakatuwid sa panahon natin ngayon ang sabi ng Panginoong Diyos, dapat tayong makinig kay Cristo.  Kaya sa isyu na kung ano ang dapat nating itawag sa Panginoong Diyos, ano ang turo ng Panginoong Jesucristo?

Juan 20:17  “Sinabi sa kaniya ni Jesus, Huwag mo akong hipuin; sapagka't hindi pa ako nakakaakyat sa Ama, nguni't pumaroon ka sa aking mga kapatid, at sabihin mo sa kanila, Aakyat ako sa AKING AMA at INYONG AMA, at aking Dios at inyong Dios.”

Napakaliwanag na ang utos ni Cristo ay tawaging AMA ang Diyos, Kung paanong ang tawag niya sa Diyos ay AMA, dapat AMA rin ang itawag natin.

Kaya nga kapag mananalangin tayo sa Diyos ano sabi ni Jesus?

Mateo 6:6  “Datapuwa't ikaw, pagka ikaw ay mananalangin, pumasok ka sa iyong silid, at kung mailapat mo na ang iyong pinto, ay MANALANGIN KA SA IYONG AMA na nasa lihim, at ang iyong AMA na nakakikita sa lihim ay gagantihin ka.”

Kaya ang mga kaanib ng Iglesia Ni Cristo ay tinatawag na AMA ang Diyos lalo na sa aming pananalangin, bilang pagsunod namin sa utos ni Cristo.

Eh ano ang  masamang ibubunga kung hindi namin susundin ang utos na ito ni Cristo?

Lukas 6:46  “At bakit tinatawag ninyo ako, Panginoon, Panginoon, at di ninyo ginagawa ang mga bagay na aking sinasabi?”

Mawawalan kami ng karapatang tumawag kay Cristo bilang aming Panginoon kung hindi namin susundin ang utos niyang tawaging AMA ang Diyos.

Pero nangangatwiran ang mga kaibigan naming SAKSI, sinasabi nila na:


“Hindi ba ang ating mga AMA ay may personal o pansariling Pangalan?  Natural lamang na dapat din nating tawagin ang Diyos sa Pangalan niya.”  Kung ang tao nga ay may pangalan ang Diyos pa kaya mawalan?”


Iyan ang pangkaraniwan nating naririnig na sinasabi nila, kapag sila ay ating nakakausap. bakit ba kailangan nating tawaging Ama ang Diyos?

1 Juan 3:2  “Mga minamahal, ngayon ay MGA ANAK TAYO NG DIOS, at hindi pa nahahayag kung magiging ano tayo. Nalalaman natin, na kung siya'y mahayag, tayo'y magiging katulad niya: sapagka't siya'y ating makikitang gaya ng kaniyang sarili.”

Ang dahilan kung bakit kailangan nating tawaging AMA ang Diyos ay sapagkat tayo’y kaniyang MGA ANAK.  At hindi ba natural lamang na tawagin nating AMA ang nagtuturing sa atin na kaniyang ANAK.

Halimbawa ang pangalan mo ay PEDRO, at mayroon kang ANAK, ikatutuwa mo ba na ang ANAK mo ay tinatawag ka lang na PEDRO? Halimbawa lalapit sa iyo, at may hihingin,“PEDRO may kailangan ako sa iyo?”  Ano ang mararamdaman mo?  Hindi ba masasaktan ka na ganun lang ang tawag ng ANAK mo sa iyo? At ang lumalabas nun hindi mo siya ANAK at hindi ka niya itinuturing na AMA.

Sinasabi nila hindi lang daw JEHOVA ang tawag nila sa DIYOS, kundi AMANG JEHOVA

Oh balik tayo sa ating halimbawa, tinatawag ka ng anak mo na AMANG PEDRO, hindi ba parang ang lumalabas noon hindi mo siya tunay na Anak,  kapag ganun ang tawag niya sa iyo?  Pero kapag tunay mong Anak, ang tatawag sa iyo, hindi ba AMA lang, TATAY lang, PAPA lang, DADDY lang, etc.?

KAYA KUNG TUNAY NA ANAK ANG TATAWAG SA DIYOS, ANG TAWAG SA KANIYA AY “AMA”,

KAPAG TINATAWAG SIYA SA KANIYANG PANGALAN NG ISANG TAO, MALIWANAG KUNG GAYON NA ANG TAONG IYON AY HINDI TUNAY NA ANAK NG DIYOS.

Hindi natin dapat tawagin ang Diyos sa pangalang  “JEHOVA” na ginawa lang ng tao, ang dapat na itawag natin sa kaniya ayon sa paguturo ng Panginoong Jesus ay AMA, sapagkat tayo ay MGA ANAK niya.